Dayalogo ng Malacañang, Simbahan binuhay

Naniniwala si Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao na panahon na upang magkaroon ng dayalogo si Pa­ngulong Rodrigo Duterte at ang Simbahang Katoliko.

Sa gitna ito ng patuloy na patutsadahan ng Pangulo at mga lider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Gayunman, iginiit ni Pacquiao na dapat ang Simbahan ang gumawa ng ­unang aksyon upang magkaroon na sila ng dayalogo sa Pangulo.

“Dapat ang Catholic una mag-initiate ng dialogue sa Pangulo para pag-usapan kasi ang Pangulo ay busy sa problema ng ba­yan,” giit ni Pacman.

Kasabay nito, ipinagtanggol ng senador ang punong ehekutibo sa mga banat laban Simbahan.

“May karapatan siya (Pangulong Duterte) kasi may experience siya nung bata pa siya, hindi natin alam experience nya, kung ano man sinasabi nya, siya naka-experience, so mahirap magsalita,” saad ni Pacquiao.

“Baka malalim pinagdaanan niya. Sa kabila ng lahat I will just encou­rage Filipino people to read the bible, pag naging habit reading the bible everyday,” dagdag pa nito.

Matatandaan na bumuo pa ang Malacañang ng komite para makipagdayalogo sa Simbahan.

Pero ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, wala siyang ideya kung ano ang nangyari sa 3-man committee.

Ang 3 man panel na binuo noong Hunyo para makipag-usap sa Simba­hang Katolika ay kinabibi­langan nina dating Presidential Spokesman Harry Roque, EDSA People Po­wer Commissioner Pastor ‘Boy’ Saycon at Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella.

Hindi masagot ni Panelo kung may posibilidad na buhayin muli ang binuong panel para makipag-ayos ang Palasyo sa mga Obispo at pari.