Matapos isnabin nang apat na beses ang imbitasyon ng Kamara, ipinapaaresto na ng mga kongresista ang driver at umano’y lover ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Palisoc Dayan.

Pasado alas-sais na ng gabi nang maghain si House majority leader Rodolfo Fariñas ng mosyon na ipaaresto na si Dayan at bitbitin na ito sa Kamara upang matanong hinggil sa papel nito sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay Fariñas, bumalik na ang show cause order sa komite kahapon na tinanggap ng isang Paul Edward Dayan subalit hindi pa rin nagpapakita ang dating driver ni De Lima.

“It just obvious that Ronnie Palisoc Dayan refuses without any justifiable excuse to heed the summons, subpoena duly issued by the speaker,” ani Fariñas kaya nagmosyon ito na ipaaresto na ito.

Dahil dito, agad na nagbotohan ang 12 miyembro ng nasabing komite kung saan lahat ng mga ito ay pumabor sa mosyon ni Fariñas.