Dayao may new record, wagi ng gold, best lifter

Nagtala ng ng bagong national record tungo sa gold medal win at best lifter awardee si Jose Dayao III ng Team Cyber Muscle Gym sa katatapos na 2020 Luzon Open and National Interschool, Novice, Developmental and Special Athletes Powerlifting Championships sa Robinsons Mall sa Malabon City.

Ineklipsehan ng 12-anyos na kinu-coach ng kanyang ama na si Cirilo Dayao, ang sariling marka sa pagposte ng 112kg sa squat, 51kg sa bench press, 112.5 sa deadlift para sa total 275.5kg sa isang araw lang na buhatan nitong Enero 19.

Hinigitan ng batang Dayao ang mga nagawa rin niya sa nakaraang taon lang na 100kg sa squad, 45kg sa bench press , 100kg sa deadlift para sa 245kg total sa 43kg boy’s developmental category.

Nakapag-uwi rin ng medalyang ginto ang mga kakuwadra ni Dayao na sina Zyrus Bugante-sa 59kg boy’s novice division at Neil Mecayer sa 105kg men’s Luzon Open division.

Gayundin sina Raymond Debuque ng Zest Power sa 120+ men’s Open division, Jessa Mae Tabuan ng Jose Rizal University sa 52kg girl’s high school division, at John Mathew Manalang ng Quezon City sa 53kg boy’s HS.