Isang dayong lalaki ang patay matapos na walang habas na pagbabarilin ng dalawang kalalakihan sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Caloocan City Police, ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa BMBA Compound, Barangay 118 ng nasabing lungsod.
Mahimbing umanong natutulog sa kani-kanilang bahay ang mga residente sa lugar nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril.
Agad nila itong inusisa at doon na nila nakita ang wala nang buhay na biktimang si Krit John Pineda, 22-anyos ng Nicholas Street, Tondo, Lungsod ng Maynila na naliligo na sa sarili nitong dugo.
Nakita rin nila ang mga suspek na mga armado ng mga baril at papaalis sa lugar.
Noong una ay hindi pa nalalaman ang pagkakakilanlan ng biktima dahil dayo lamang umano ito sa lugar at posible umanong napadaan lang.
Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO), nasa limang cartridges mula sa .9mm caliber na baril ang narecover sa lugar, isang .22 caliber na baril na nasa mga labi naman ng biktima, apat na plastic sachet ng hinihinalaang shabu, mga dahon ng marijuana at 20 bala ng .38 caliber nabaril.