Kung tatanungin mo ang mga kausap mo kung saan nila gustong magbakasyon kapag may time, lagi nilang sinasabi sa iyo na sa Hong Kong, Singapore, South Korea o China, kahit pangarap pa lamang.

‘Yung mga nakakaangat sa buhay at walang problema sa pagkuha ng visa, lagi mong maririnig sa kanila na gusto nilang magbakasyon sa Amerika, Europa, Australia at iba pang bang mauunlad ng bansa sa mundo.

Indikasyon ito na marami sa ating mga kapwa Filipino ang wala sa kanilang listahan ang mga magagandang lugar sa Pilipinas para pasyalan at maranasan mismo ang ipinagmamalaki nating More Fun in the Philippines.

Nakakalungkot lang na ganito mag-isip ang mga kababayan natin na mas inuuna pang pasyalan ang ibang bansa kesa sa sariling bayan kaya marami sa atin ang masasabing dayuhan sa sariling bayan.

Parang may mali lang kasi kapag may kausap kang dayuhan at magtatanong sa iyo kung saan sa Pilipinas ang magandang pasyalan maliban sa Boracay at Cebu, wala kang maikukuwento sa kanila dahil tayo mismo ay hindi nakaranas na tumapak sa mas maraming lugar sa Pilipinas maliban sa ating probinsya.

Tiyak din na marami sa atin ang hindi pa nalilibot ang buong probinsya kung saan tayo ipinanganak at nagka-isip. Makikipagpustahan ako kung aabot ng 50% sa mga taga-probinsya ay kabisado nila ang buong probinsya nila.

Ano ang punto ko? Dapat himukin ng Department of Tourism (DOT) ang mga Filipino na bago pumasyal sa ibang bansa ay subukan munang pasyalan ang mga tourist spot sa ating bansa.

Marami sa mga Filipino ang hindi pa nakikita kung ano ang itsura ng Boracay pero ipinagmamalaki natin kahit hindi pa natin napupuntahan sa mga dayuhang nagtatanong sa atin.

Maraming lugar sa Pilipinas, mula Batanes, Cagayan, Isabela hanggang Bicol region, pataas sa Visayas at Mindanao, ang may magagandang lugar na hindi ibinebenta ng gobyerno. ‘Yung mga probinsya na kaya lang gumastos sa advertisement ang kilala pero may ibang lugar na mas magaganda sa ibang probinsya.

Pero hindi kilala ng mga tao dahil bihirang mabanggit kahit ng national government at kulang ng pasilidad, walang imprastrakturang naitayo kaya mahirap talagang puntahan pero kung gastusan ng DOT tulad ng paggastos sa mga kilala nang tourist destination ay ma­lamang na magkiklik din. Idagdag mo pa d’yan na mas mahal ang pasahe sa sariling bayan kesa sa ibang bansa.

Sa ibang bansa, tulad ng China, inoobliga nila ang kanilang mamamayan na mamasyal muna sa kanilang mga tourist spot bago sila lumabas at mamasyal sa ibang bansa.

Kapag dito sa Pilipinas gawin iyan, sasabihin ng mga magagaling eh diktador lang ang makakagawa n’yan pero kung talagang gusto nating ipakilala ang mga lugar sa ibang bansa, dapat munang makilala ito ng mga Filipino.

Sa panahon ngayon, isa ang turismo ang nagpapalago sa ekonomiya ng bansa lalo na ang mga local government kaya dapat dito itutok ng national government ang kanilang atensyon.
Pero kung pili lang ang mga probinsyang gagastusan para mapaunlad ang mga magagandang lugar sa iba’t ibang probinsya eh talagang hindi ko masisisi ang mga Filipino na sa ibang bansa na lang maglakuwatsa.

***

(dpa_btaguinod@yahoo.com)