Nalingid sa kaalaman ng mga awtoridad sa Pilipinas ang kinakaharap na kaso ni Scully lalo na’t minabuti niyang manatili sa katimugang bahagi ng bansa kaya’t malaya siyang nakakagala sa mga lungsod sa Cebu, Cagayan de Oro, Butuan sa Agusan del Norte at mga kalapit pang lalawigan.
Sa kanyang pananatili sa Cagayan de Oro City, nagsimulang gumawa ng mga iligal na hakbang si Scully upang kumita ng limpak-limpak na salapi kabilang ang child pornography at human trafficking,
Isa sa pinakatampok na ginawa ni Scully ang pagsasa-pelikula ng pang-aabuso sa tatlong batang babae, kabilang na rito ang isa’t kalahating taong gulang noong taong 2012 na pinamagatan niyang “Daisy’s Destruction” na ibinebenta niya sa halagang $10,000 dolyar sa mga pedopilyang kanyang kliyente sa iba’t ibang bansa.
Sa naturang pelikula, ipinakita rito kung paano inabuso ni Scully ang mga babaeng may edad na 12, 11 at ang paslit pang sanggol, katuwang ang kanyang kasintahang si Liezyl Margallo na isa ring dating prostitute.
Ipinakita rin sa naturang video kung paano nilaspag ni Scully ang katawan ng 11-taong gulang na batang babae bago inutusang hukayin ang sarili niyang libingan at pagkatapos ay binigti, gamit ang isang lubid.
Malaking halaga ng salapi ang kinita ni Scully sa kanyang mga iligal na gawain subalit hindi sa habang panahon ay mananatili ang kanyang pamamayagpag sa iligal na aktibidad dahil noong taong 2014, nabuko na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 10 sa pamumuno ni Supt. Alexander Tagum ang kanyang aktibidad.
Nobyembre ng taong 2014 nang maglabas ng warrant of arrest si Judge Jose Escobido ng Cagayan de Oro City Regional Trial Court (RTC) Branch 37 makaraang lumutang ang mga magulang ng dalawang batang babae at inakusahan ang dayuhan ng pang-aabuso sa kanila.
Ang dalawang bata ay kapwa ni-recruit ng kalive-in noon ni Scully na si Anne Alvarez at walang awang hinalay ng dayuhan sa loob ng limang araw, sa tulong din ng kanyang kinakasama habang kinukunan ng video.
Matapos ang panghahalay, ikinadena ni Scully ang dalawa at inutusan pang hukayin ang kanilang libingan makaraang magtangkang tumakas. Nakaramdam naman ng pagkahabag si Alvarez sa dalawa niyang na-recruit kaya’t tinulungan niyang makatakas ang mga ito na naging dahilan upang makapagsumbong sa CIDG ang kani-kanilang mga magulang.
Nang salakayin ng awtoridad noong Setyembre 2014 ang inuupahang bahay ni Scully sa Apovel Subdivision sa Cagayan de Oro City, nadakip si Alvarez subalit nakatakas si Scully.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang mga ebidensiya kabilang ang computer, video camera at memory card na naglalaman ng mga malalaswang ginagawa ng dayuhan sa mga batang biktima.