Mina Aquino

Naghigpit ang Bureau of Immigration (BI) ang pagbibigay ng Special Working Permit (SWP) at Provisional Working Permit (PWP) sa mga dayuhang nagnanais na magtabaho sa Pili­pinas.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, hindi nila bibigyan ng permit ang mga dayuhang manggagawa mali­ban lang kung magsusumite ang kompanyang papasukan nila ng withhol­ding tax ng mga ito.

Sabi ni Morente, obligado na nga­yon ang mga dayuhang aplikante na magsumite ng mga karagdagang dokumento bago sila mabigyan ng permit sa trabaho.

Kabilang sa mga kinakailangan sa work permit na dapat isumite ng aplikante ay ang mga sumusunod: Withholding tax, validity of stay as tourists, address, existence, nature of business, at financial viability of petitioning company; at SEC at iba pang mga government license to operate.

Tanging mga awtorisadong tauhan ng BI sa main office at sa mga alien control officer sa mga tanggapan ng ahensya ang maaaring mag-approve o disapprove sa mga aplikante ng SWP at PWP.

Inilabas ni Morente ang kautusan kasunod ng ulat ng Department of Finance na nawawalan ang gobyerno ng hindi bababa sa tatlong bilyong pisong tax re­venue kada buwan mula sa mga dayuhang manggaggawa sa industriya ng Philippine offshore gaming operators (POGO) na hindi nagbabayad ng mga personal na buwis sa kita.