DBM sumawsaw sa bidding ng mga government project

Binago umano ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang implementing rules and regulations (IRR) ng Government Procurement Reform Act kaya’t puwede nang magsagawa ng bidding ang Department of Budget and Management (DBM).

“Hindi lang sa NEP (National Expenditure Program) may insertions ang DBM. Mayroon ding inserted provisions sa IRR para baluktutin ang mga probisyon ng RA (Republic Act) No. 9184 (o Government Procurement Reform Act),” pahayag ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr.

Ipinaliwanag ni Andaya na maliwanag na isinasaad ng RA No. 9184 na ang procurement ng isang departamento o kagawaran ay nakabatay sa Annual Procurement Plan (APP).

“Fixed ito at hindi pabago-bago dahil nakabatay sa plano. Kung nasaan ang pondo, siya rin ang magsasagawa ng procurement o bidding activities. Hindi raw puwedeng mag-procure o magpa-bid kung labas sa Annual Procurement Plan ng departamento,” ani Andaya.

Pero salungat aniya umano ito sa ginawang diskarte o pag-amyenda ni Diokno sa IRR.

“Sa insertion na ito, deretso nang sinasabi sa mga departamento na puwede nilang ipasa ang bidding ng kanilang mga proyekto sa ibang procurement entity kung wala silang proficiency o capability na magsagawa ng bidding. Dahil dito puwede nang ipasa ng DOTr ang bidding sa PS (Procurement Service)-DBM kung sa tingin nila ay mas proficient o capable ang nasabing opisina kaysa sa kanila,” ani Andaya.

Binigyan-diin ni Andaya na kaduda-duda o ‘highly irregular’ ang mga insertion na ipinasok ni Diokno sa IRR.

“Ito ang ginagamit ngayon na justification ng PS-DBM para pakialaman ang bidding ng mga proyekto na allocated sa ibang departamento. Hindi ito ang intensiyon ng batas na ipinasa natin sa Kongreso. Hindi maaaring amyendahan ng GPBB ang RA No. 9184 sa pamamagitan ng 2016 Implementing Rules and Regulations,” pagdidiin ni Andaya.
Bunsod nito, inirekomenda ni Andaya ang pagrebisa sa IRR ni Diokno.