Mga laro ngayon: (Mall of Asia Arena)
2:00 p.m. — Ateneo vs UP
4:00 p.m. — UE vs DLSU

Dalawang panalo na lang at mawawalis na ng De La Salle University Green Archers ang first round ng Season­ LXXIX ng UAAP seniors men’s basketbal­l t­ournament.

Malinis sa limang laro ang Green Archers na ­haharapin nila ang wala pang panalo na University of the East Red Warriors sa alas-kuwatro ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Magtatapat naman sa unang laro, (2 p.m.) ang Ateneo Blue Eagles at University of the Philippines Fighting Maroons.

Bokya sa limang laro ang UE kaya inaasahang magwawala ang mga ito para makuha ang mailap na panalo.

Muling huhugot ng lakas ang season title favorite, DLSU kina Ben Mbala at veteran Jeron Teng para patigasin ang pagkapit sa top spot.

Pero sa huling laro ng Taft-based squad La Salle, gumana ang second stringers na sina Aljun Melecio at Kib Montalbo.

Tumipa si Mbala ng 21 points at 16 rebounds, may 14 puntos ang beteranong si Teng habang sina Melecio at Montalbo ay nagtala ng 13 at 12 markers para panain ang Adamson University, 91-75, noong Sabado.

Puntirya naman ng Blue Eagles na kumalas sa four-way tie sa second.

Nagsisiksikan sa pangalawang puwesto ang ­Ateneo, Adamson, National University at defending­ champion Far Eastern University na may tig-3-2 records.

Nasa seventh place ang UP bitbit ang 1-4 card.