De Leon, 2 import nagsiratsada Sta.Lucia tinumba ang Generika

Veteran move!

Sinandalan ng Sta. Lucia si veteran Ruby de Leon at ang dalawang import upang kalusin ang Generika-Ayala, 21-25, 25-21, 23-25, 25-15, 15-7 kagabi sa Chooks to Go-6th Philippine Super Liga (PSL) 2018 Grand Prix sa Bacoor City Sports Center, Cavite.

Nalansi ni De Leon ang mga kalaban sa huling bahagi ng laro upang ibangon ang Lady Realtors mula sa sa pagkakadapa sa una nilang salang.

Nakatuwang ni De Leon ang reinforcements na sina Bohdana Anisova at MJ Philips upang kalampagin ang kalaban at itakas ang mahirap na panalo.

Tumikada si former member ng Ukrainian national team, Anisova ng 22 attacks at apat na service aces para sa 28 points habang nag-ambag si Philips ng 22 markers.

Masaya naman si coach George Pascua sa ipinakitang tikas ng kanyang mga bataan.

“I’m satisfied, but there were still some lapses in the first and third sets,” bulalas ni Pascua na ginabayan ang Petron sa 2014 Grand Prix at 2015 All-Filipino Conference titles.

Plakda ang Sta. Lucia sa kanilang unang laro kontra Petron, 21-25, 25-18, 17-25, 20-25 at dahil sa panalo ay naplantsa nila ang 1-1 baraha.

Nalasap naman ng Lifesavers ang pangalawang sunod na tilapon sa interclub women’s volleyball.

Nagiba ang Generika-Ayala sa Foton, 19-25, 25-22, 16-25, 22-25 sa event na mga suportado ng Mikasa, Mueller, Senoh, LGR, Gold’s Gym at Grand Sport bilang technical sponsors. (Elech Dawa)