Iimbitahan ng Kongreso sa gagawin nitong imbestigasyon sa anomalya sa New Bilibid Prison sina Sen. Leila de Lima gayundin ang tinuturong driver lover nito na si Ronnie Dayan at mga drug lords na nakapiit sa national penitentiary.
Ang imbestigasyon ng Kongreso na inaasahang sisimulan bago ang pagtalakay sa plenaryo ng budget hearing ay alinsunod sa inihaing House Bill 105 ni House Speaker Pantaleon Alvarez na naglalayong imbestigahan ang paglaganap ng iligal na droga sa loob ng kulungan sa panahon ng pag-upo ni De Lima bilang kalihim ng Department of Justice.
Sa isang press conference kahapon, ipinagtanggol naman ng mga kaalyadong mambabatas na kabilang sa super majority ang imbestigasyon na ipinanukala ni Alvarez.
Sinabi ni Cebu Rep. at Deputy Speaker Gwen Garcia na malaki ang pangangailangan para imbestigahan ang illegal drug trade sa loob ng piitan dahil nakababahala ito lalo at nakapiit na ang mga drug lords subalit malaya pa rin na nakapagpapatuloy ng kanilang illegal na gawain.
Ipinaliwanag naman ni Batangas Rep. Ereneo Abu na hindi nila sini-single out si De Lima dahil na rin sa naging pagbubunyag sa kanya ni Pangulong Duterte. Ani Abu, command responsibility kung bakit kasamang iimbestigahan sa NBP mess si De Lima.
Disyembre 2014 nang madiskubre ang shabu laboratory sa loob ng piitan at termino ito ng senadora.