DE LIMA DAWIT SA ‘MATRIX’ NG BILIBID DRUGS — DUTERTE

May ilalabas na matrix ang Pangulong Rodrigo Duterte na magbubuyangyang sa papel ni Senador Leila De Lima sa tinatawag na “Muntinlupa Connection” na may kinalaman sa operasyon ng iligal na droga na pinatatakbo sa New Bilibid Prison (NBP).

Sa isang ambush interview sa Malacañang kahapon ng hapon, prangkahang sinabi ng Pangulong Duterte na si De Lima ang pinakamataas na public official sa matrix.

Sinabi ng Pangulo na ilalabas ang matrix nga­yong linggong ito.

“I will show to you maybe this week the matrix, I am just validating it. Matrix ng Muntinlupa connection. Nandu­n si De Lima actually. The matrix show her role there,” anang Pangulong Duterte.

Dinagdag pa ni Pa­ngulong Digong na isa pang dating mataas na opisyal ng  Department of Justice (DOJ) official at isang gobernador ang kasama rin sa matrix.

“Ngayon alam ko na, alam na ng lahat. When I go after the matrix mala­laman na ninyo.

There is also a governor you know. He is my friend I could not believe it. But nandiyan siya sa re­velation, he’s a governor; and an undersecretary,” he said.

Nang usisain ng media kung si Justice Undersecretary Francisco Baraan III ang binabanggit nito na DOJ official ay tumugon ang Presidente ng, “Yes.”

Hindi naman tinukoy ng Pangulo ang pangalan ng isinasangkot na gobernador.