DE LIMA MAY DAPAT IPALIWANAG — GORDON

Kung si Sen. Richard Gordon ang tatanungin, nanindigan ito na dapat aniyang magpaliwanag si Sen. Leila de Lima sa kontrobersiyang kinasasangkutan nito partikular ang viral photo kung saan kasama nito ang isang drug lord na nakabilanggo sa New Bilibid Prison (NBP).

Matatandaan na si Solicitor General Jose Calida ay mayroong inilabas na larawan ni De Lima na kasama ang isang drug lord at nanawagan ito sa Kamara na paimbestigahan ang senadora.

Nang tanungin kahapon ng hapon sa isang panayam si Gordon, na i­naasahang tatayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, itinugon nito na dapat ngang magpaliwanag ang kasamahang senadora.

“Definitely, definitely. ‘Yan ay dapat tanu­ngin talaga sino ba tala­ga ang may kagagawan na ang mga preso ay preso caballero… pag inihain ‘yang resolution kung sinong mag-iim­bestiga saan pupunta ‘yan sa Blue Ribbon? Sa Peace and Order… kung member ng Senado at mag-file si Calida ire-refer sa Ethic­s Committee ‘yan kung may katibayan,” paliwanag ni Gordon.

Depende aniya kung may maghahain ng resolution at dahil may kina­laman ang usapin sa graft and corruption mala­mang ayon kay Gordon na babagsak ito sa Senate Blue Ribbon Committee na kanyang hahawakan.

“Ako, kung ako, ang tatanungin ko diyan bakit nu’ng panahon ni Sec. De Lima nu’ng siya ang may hawak ng Bureau of Pri­sons, dumami ‘yung nakakapagpasok ng baril, may swimming pool sa loob, maraming pera sa loob, may mga television… may mga ganito. Ang dapat mapaliwa­nag siguro… tukuyin nila, ayo­ko namang gawin ‘yung trabaho nila e magpaliwanag kung bakit dumami ‘yung ganyang pagkakataon,” dagdag ni Gordon.

Puwede aniya na motu propio ay magsagawa ng imbestigasyon ang Senado kahit walang nakahain na resolusyon.

Gayunpaman, hindi na umano niya pangu­ngunahan ang kalkalan at mas mainam na magpasimuno nito ay ang mga apektadong ahensya ng pamahalaan.

“Pero siyempre haya­an natin sila… kasi kung ikaw mag-gather ka pa ng evidence… kung may problema sila katulad ni Sec. Calida at DOJ Secretary Vitaliano Aguir­re e ‘di mag-gather sila ng ebidensya in aid of legis­lation (papasukan o iimbestigahan ito ng Senado),” giit ng senador.

Samantala, payag ang Malacañang na maimbestigahan si De Lima kaugnay sa
Paglaganap umano ng iligal na droga sa loob ng NBP noong termino nito bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Sinabi ni Chief Pre­sidential Legal Counsel Salvador Panelo na malinaw naman na ang Bureau of Corrections (BuCor) at NBP ay nasa hurisdiksyon ng DOJ.

Kapansin-pansin umano na naglipana ang iligal na droga sa piitan sa termino ni De Lima kaya naman dapat itong imbes­tigahan kung nagkaroon ng pagpapabaya sa kanyang tungkulin.

Idinagdag pa ni Pa­nelo na dapat malaman din kung bakit nama­yagpag ang mga drug lord sa loob ng NBP at dapat may managot dito.