De Lima niresbakan ng VACC sa extra-judicial killings

Binuweltahan ng Volun­teers Against Crime and Corruption (VACC) si Senadora Leila de Lima sa isyu ng talamak na illegal drugs sa bansa.

Ayon kay Dante Jimenez, chairman ng VACC, kung tutuusin ay isa umano si De Lima sa mga dapat magpaliwa­nag at managot kung bakit lumaganap ang illegal drug trade sa panahon ng kanyang panunungkulan lalo na sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ito ang naging reaksyon ni Jimenez sa isinagawang pahayag ng senadora tungkol sa umano’y extra-judicial killings kaugnay ng kampanya ng gobyernong Duterte laban sa droga.

Pinuna pa ni Jimenez na kahit minsan, aniya, sa mga State of the Nation Address (SONA) ni dating Pangulong Benigno Aquino III ay hindi nabanggit ang problema sa paglaganap ng illegal drugs.

Kasabay nito, inamin ni Jimenez na nakakabahala ang mga summary executions.
Sa katunayan, aniya, nagsasagawa na rin sila ng tahimik na imbestigasyon sa mga nangyayaring patayan.

Gayunman, iginiit­ ni Jimenez na hindi pa ito dapat pakialaman ng ­Senado dahil may mga ahensya naman ng pamahalaan na puwedeng mag-imbestiga nito.

Samantala, hinimok ni House Deputy Speaker Fredenil Castro si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na ilantad nang lahat ang pangalan ng mga lokal na opisyal na sangkot sa illegal drug trade sa halip na tingi-tinging anunsyo ang gawin nito.

Aminado ang mamba­batas na may karapatan ang bawat indibid­wal na protektahan lalo na kung hindi pa nahahatulang guilty ng korte subalit binigyang-diin nito na kung may hawak na mabigat na ebidensiya ang Pangulo ay walang dapat makapigil para ilantad sa publiko kung sinu-sinong opisyal ang kasabwat ng mga sindikato ng droga.

Sa pamamagitan aniya­ nito, maipapakita sa taumbayan na walang sinasanto si Pangulong Duterte sa pagpapatupad ng batas.