De Lima umamin na sa kinukuwestyong notaryo

Umamin na si Senador Leila de Lima na hindi niya pinirmahan sa harap ng notary public ang verification at certification against forum shopping na kanyang isinumite kasabay ng kanyang petisyon sa Supreme Court (SC).

Ang pag-amin ay ­ginawa ni De Lima sa isinumite nitong memorandum sa SC.

Sinabi ni De Lima, hindi niya pinirmahan ang dokumento sa harap ni Atty. Maria Cecile Tresvalles-Cabalo nang magtungo ito sa Kampo Crame noong Pebrero 24, ang araw kung kailan siya naaresto dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Sinabi ni De Lima na dahil sa mga sitwasyon na kanyang hinarap sa araw na iyon, ang aktuwal na paglagda sa dokumento ay hindi nangyari nang magkaharap sila ng notary­ public.

Gayunman, nilinaw ni De Lima na ang kanyang pirma ay agad namang iprinisinta kay Cabalo matapos niyang malagdaan ang dokumento.

Alam din umano ni Cabalo na si De Lima, ­bilang petitioner, ang pumirma sa dokumento.

Gumawa rin umano ng karagdagang hakbang si Cabalo para makumpirma ang kanyang pirma nang hingin nito sa mga staff ng senadora ang katibayan ng kanyang pagkakakilanlan.

Idinagdag pa ni De Lima, wala namang kumuwestiyon kung tunay nga niyang pirma ang nasa petisyon.