Isa-isang tumimbuwang ang tatlong hindi nakikilalang lalaki matapos na manlaban sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD)-Police Station 9 nang sitahin sa isang checkpoints kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section, walang pagkakilanlan o anumang ID na natagpuan sa mga suspek.

Sa deskrispyon, isa ay nasa edad 30-35, may taas 5’2, katamtaman ang pa­ngangatawan, may tattoo na RAY at gagamba sa kanang braso, rosaryo sa kaliwang braso at nakasuot ng kulay pulang sweatshirt at asul na t-shirt na panloob, kulay abu­hing short pants at nakapaa.

Ang ikalawang suspek naman ay nasa edad 40-45, may taas 5’4, may tattoo na Boyet sa tiyan, Ric sa kanang braso, nakasuot ng kulay orange na sweat shirt, kulay asul na maong na pantalon at itim na tsinelas.

Habang ang pangatlong suspek naman ay nasa edad 25-30, may taas 5’4 , may tattoo na CECILIA sa kaliwang braso, nakaitim na sando, abu­hing short pants at walang sapin sa paa.

Naganap ang insidente dakong ala-1:35 ng mada­ling-araw, sa  Arellano Ave­nue malapit sa kanto ng A. Roxas St., Malate, Maynila habang nagsasagawa ng checkpoint ang Arellano PCP sa pamumuno ni PCI Paulito Sabulao nang dumaan ang tatlong suspek na napansin ng police officer ang kahina-hinalang kilos.

Nang lapitan ng mga pulis para sitahin nang magtakbuhan ang tatlo patungong south ng Arellano Avenue, kaya hinabol ng mga pulis.

Pagdating sa nasabing lugar ay sinalubong ng bala ng mga suspek ang mga humahabol na pulis kaya napilitan na gumanti ang mga pulis  na nagresulta ng kanilang kamatayan.

Nabatid rin na katatapos lamang umanong gumamit ng shabu ng mga suspek sa nasabing lugar nang mapuna ng mga awtoridad ang kakaiba nilang mga kilos.