Deadly helmet

Dahil sa hindi pagsusuot ng helmet ay kamatayan ang sinapit ng dalawa sa tatlong lalaking magkakaangkas sa motorsiklo na hinihinalang mga holdaper nang manlaban sa mga sumitang kagawad ng pulisya sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Inilarawan ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide section, ang isa sa napatay na suspek na nasa edad 30-35, habang ang isa ay nasa 35-40 ang edad, may taas na hanggang 5’6”, may kapayatan at Moreno at ang ikatlong suspek na driver ng motorsiklong sinasakyan nila ay tumakas.

Dakong 3:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Jose Abad Santos Avenue, kanto ng Quiricada Street sa Tondo habang nagpapatrolya sina PO2s Jefferson Rivera at Enrique Fajardo nang maispatan ang tatlong suspek na magkakaangkas sa isang motorsiklo at sinita dahil walang helmet.

Pero sa halip na tumi­gil ay kaagad na bumunot ng baril ang dalawa sa mga ito at pinaputukan sila at gumanti ng putok na nagresulta sa pagkakapatay ng dalawang suspek habang nakatakas naman ang driver ng motorsiklo.