Tumilapon ng ilang metro mula sa kinasasakyang motorsiklo at sumuka ng dugo bago tuluyang nalagutan ng hininga ang lasing na motorcycle rider matapos makipagkarerahan sa isa pang rider na kasabayan nitong bumibiyahe sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Binabaybay umano pauwi pasado ala-una ng madaling-araw nang biktimang si Joseph Acivo ang kahabaan ng Mindanao Avenue, Barangay Tandang Sora ng nasabing lungsod nang maaksidente ito.
Ayon kay Joselito Failanco na barangay service point officer (BSPO), nakatanggap sila ng tawag sa barangay hinggil sa naaksidente sa nasabing lugar na agad naman silang rumesponde. Ngunit pagdating umano nila sa lugar, bagama’t buhay pa ay sumusuka na ng napakaraming dugo ang biktima.
Kaya’t agad silang tumawag ng rescue team subalit hindi na ito naabutan pang buhay dahil nalagutan din ito ng hininga matapos sumuka dahil sa pagkakatilapon ng ilang metro mula sa kanyang motorsiklo at pagkakabalandra ng katawan sa center island ng lugar.
Aminado naman ang kasamahan sa trabaho ng biktima na galing nga sila sa inuman nang maganap ang insidente ngunit hindi naman umano gaanong nakainom ang biktima at hindi umano ang pagiging nakainom nito ang naging sanhi ng aksidente.
Marami umanong nakakita na may isang motorsiklong nakikipagkarerahan sa biktima at habang nakikipag-unahan na sa kasabay na motorsiklo ay napadpad sa gilid ang biktima at humampas sa gutter. Sa lakas ng impact, tumilapon ito habang hindi naman huminto at parang walang nangyari na patuloy sa pag-andar ang kakarerahang motorsiklo ng biktima.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente at inaalam na rin kung may closed circuit television (CCTV) sa lugar na posibleng nakahagip sa insidente upang malaman kung ano ba talaga ang nangyari.