DEATH PENALTY O E-POWER?

Grace Poe

Nagtataka si Sen. Grace Poe kung bakit minamadali ng Kamara­ ang pagpapatibay ng panukala sa death penalty­ gayong ang hinihintay­ ng marami sa ating kababayan ay ang pagsasabatas ng emergency power para masolusyunan ang problema ng trapik sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Inilahad ni Poe ang kanyang sentimiyento mata­pos puwersahin ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga kaalyado nito sa Kamara na bumoto sa pagpapatibay ng panukala sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Ayon sa chairperson ng Senate committee on public services, kahit madaliin ng Senado ang pagpapatibay ng panukala sa emergency power, kaila­ngan din nilang hintayin na mapagtibay ang counterpart bill sa Kamara.

Ang masaklap nito, tila hindi seryoso ang lide­rato ng Kamara sa emergency power dahil bukod sa malabnaw ang kanilang bersyon, inuuna pa ang pagpapatibay ng death penalty bill.

“Dito sa Senado, sa tingin ko lahat naman kami ay nagkakasundo na lahat tayo ay biktima tala­ga ng traffic at naiinis na rin, siyempre manhid lang naman ang hindi maiinis dito, kaya sa tingin ko makakapasa naman ito kaagad,” wika ni Poe.

“Ang problema, kahit na ipasa natin ito sa aga­rang panahon, sabihin nating bago mag-Marso, hanggang March 18 lang (ang session) tapos mag-a-adjourn na naman, paano­ pa ngayon ang bersyon doon sa House?” rason ng senadora.

Nagdududa na tuloy­ ngayon si Poe kung seryoso ang Malacañang sa pagresolba ng problema ng trapik kung mas inuuna pang isulong ang pagpapatibay sa Kamara ng death penalty bill.

“Ang gobyerno, sina­sabi nila na seryoso din sila talaga sa pagresolba nito, subalit nakikita naman natin ang aksyon din ng iba na ang prayo­ridad nila, syempre iba, ‘di ba nakikita natin na death penalty talaga ‘yung itinutulak doon sa baba. Kung anuman ang pananaw mo dito, sa tingin ko mahalaga rin namang tutukan rin nila ito sapagkat marami rin namang kinamamatayan na ang tagal ng traffic na binabaybay nila sa ating kalsada,” katuwiran ni Poe.