Death penalty papalapit na sa plenaryo

Sa kabila ng matinding pagtutol ng ilang kasamahan nila sa Kamara, lu­malapit na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbabalik ng death penalty sa bansa.

Ayon kay House justice committee chairman Reynaldo Umali ng Oriental Mindoro, aaprubahan na ng mga ito sa kanyang komite ang unang ipinasa ng sub-committee on constitutional reform, ang death penalty law.

“We will approve this coming week (ngayong linggo),” ani Umali kung saan ia-adopt umano ng mga ito ang inaprubahan ng sub-committee na hindi lamang ang mga taong sangkot sa iligal na droga kundi sa lahat ng heinous crime ang paparusahan ng kamatayan.

Sinabi ng mambabatas na hindi umano nila papayagan ang mahabang diskusyon sa committee level sa nasabing panukala upang maaprubahan agad ito at maisalang sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para aprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa bago magbakasyon ang mga ito sa susunod na linggo.

Ang nasabing panukala ay ipinangako ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na maipasa bago ang kanilang Christmas break simula sa Disyembre 14, 2016.

Kasama rin ito sa top-priority bills ni Pangulong Rodrigo Duterte upang magamit umano sa mga taong sangkot sa iligal na droga subalit isinama ng mga kongresista sa paparusahan ng kamatayan ang mga taong masasangkot sa homicide, murder, rape, carnapping with murder, kidnapping, arson, treason at iba pa.

Hindi naman ikakagulat ng mga oposisyon sa Kamara kung ire-railroad, hindi lamang sa committee level kundi sa plenary, ang nasabing panukalang batas subalit lalabanan umano nila ito.