Debate ng mga senatoriable malabo — Comelec

Inamin ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga kandidato mula sa iba’t ibang partido na magharapan para sa isang opisyal na debate dahil sa kawalan ng oras.

Ayon kay Comelec Chairman Sheriff Abas, hindi na nila kakayaning mag-organisa ng isang public debate dahil abala na sila sa iba’t ibang aktibidad ng komisyon para sa halalan sa Mayo 13.

Gayunman, idiniin ni Abas na nakahanda naman silang suportahan ang mga debateng ilulunsad ng mga media company.

Mahirap na aniyang maglunsad ng debate para sa mga kumakandidato sa Senado dahil sa sobrang dami ng mga aspirante kumpara sa presi­dential elections na iilan lang ang kandidato.

Umaabot sa 62 kandidato ang tumatakbo sa Senado para sa May 13 elections.

“Mahirap siya buuin for a midterm election,” ani Abas.

Nauna nang hiniling sa komisyon ng Opposition slate Otso Diretso na magdaos ng debate sa pagitan nila at mga pambato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na binuo ni Davao City at presidential daughter Sara Duterte-Carpio.

Ito’y matapos tanggihan ni Duterte-Carpio ang hamon ng kalaban na magharap sila sa debate dahil sa paraan ng pagha­mon sa kanila na ani­ya ay “unprofessio­nal.”