Debosyon ipakita hanggang sa gawa

Bisperas pa lamang ng Pista ng Poong Nazareno at ng taunang traslacion, pero nakakalungkot pagmasdan ang bisinidad ng Quiapo church kung saan magtitipun-tipon ang mga deboto dahil sandamakmak na ang mga basurang nagkalat.

Mapapansin mo ang mga naglipanang basura ka­tulad ng mga plastic na mga kutsara at tinidor, mga styrofoam na pinaglagyan ng pagkain ng mga ­debotong maagang nagpunta ng Quiapo church, mga sisidlan ng bottled water at iba pang inumin, gayundin ang mga lalagyan ng iba’t ibang sitsiryang malamang ay baon ng mga maagang dumayo sa Poong Nazareno.

Karaniwang kalakarang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay sisinupin ang lugar pagkatapos ng kapistahan.

Pero papaano naman ang mismong araw ng kapistahan sa Lunes kung nga­yong pa lamang ay sandamakmak na ang basurang nakakalat sa paligid ng ­simbahan ng Quiapo at sa iba pang rutang dadaanan ng traslacion.

Kaya ang aming panawagan sa mga deboto, sinupin sana ninyo ang inyong mga basura bilang pagpapamalas ng debosyon sa Poong Nazareno.

Sa dami ng debotong nagsasadya sa Quiapo, mas magiging makatuturan siguro ang ating debosyon kung pananatilihin nating malinis ang kapaligiran ng simbahan ng Quiapo na nagsisilbing tahanan ng Poong Nazareno.

Napakaliit ng bagay na ito kung ikukumpara sa sakit na inyong pagdadaa­nan sa pagdalo sa traslacion, pero maliit man itong bagay ay malawak ang epek­tong ihahatid nito sa bawat isa sa atin dahil magreresulta ito ng kalinisan ng ating kapaligiran.

Ang aming panawagan sa mga deboto, gawin nating taunang debosyon ang pagsisilid sa tamang sisidlan ng mga basurang bitbit natin at ating madadaanan sa ating pagbisita sa Poong Nazareno.