Deboto bumuhos sa bisperas ng Pista ng Nazareno

quiapo

Dumagsa na ang libu-libong deboto sa Simbahan ng Quiapo sa mismong araw ng bisperas ng pista ng Itim na Nazareno upang dumalo sa prusisyon ng mga replica ng Nazareno sa Maynila.

Tinatayang nasa 300 replica ng Itim na Nazareno ang ipinarada kahapon sa loob at labas ng Simbahan ng Quiapo sa kahabaan ng Quezon Boulevard, Maynila.

Maagang pumila ang ilan sa mga deboto at bitbit ang kanilang mga pabebendisyunang imahe.

Nakapila sa ilalim ng Quezon bridge hanggang Quinta market ang mga maliliit at malalaking replica ng Nazareno, Birheng Maria at iba pang Santo na ibiniyahe pa mula sa iba’t ibang lalawigan.

Hiyawan ang mga deboto at pilit na gustong pumasok sa loob ng simbahan upang mapabendisyon ang kanilang mga dalang replika ng Itim na Nazareno.

Pinipilit naman makalapit ng mga deboto sa loob ng simbahan upang makapasok ang mga ito.

Inaasahan na lalo pang lolobo ang bilang ng mga darating na deboto sa mismong araw ng kipistahan bukas.