Kailangan pa rin ng Pilipinas na magbayad ng utang kahit kinakapos na sa pondo bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto matapos manawagan ang International Chamber of Commerce at mga global trade union na bigyan ng debt relief ang mga mahihirap na bansa upang makaagapay sa paglaban sa coronavirus at mabawasan ang epekto sa ekonomiya.
Ayon sa senador na dating National Economic and Development Authority (NEDA) chief noong administrasyong Arroyo, posibleng magalit ang mga financial institution kapag hindi nagbayad ng utang ang Pilipinas.
“Hindi ka makakautang kung hindi ka nagbabayad ng utang. Mas makakasama kaysa makakatulong,” paliwanag ni Recto sa panayam ng DWIZ.
Ngayong taon lamang, kailangan ng bansa na mangutang ng isang trilyong piso para takpan ang inaasahang budget deficit at karagdagang isang trilyong piso para naman sa ihahandang stimulus package.
Aniya, bagsak ang koleksyon ng buwis ng gobyerno dahil sa pagbabawal ng pagbebenta ng alak bunsod ng pinatupad na enhanced community quarantine.
Lumiit din ang excise tax na kinokolekta sa gasolina, diesel at iba pa dahil sa pagbagsak ng presyo nito.