julius-segovia
May naka-display na bang Christmas ­decors sa bahay mo? Kung wala pa, huwag nang bumili.

Imbes na gumasta, bakit hindi subukang mag-upcycle ng basura para gawing palamuti at dekorasyon nga­yong Pasko?

Kasama ang iba pang grupong makakalikasan, nanawagan ang Ecowaste Coalition ng malikhaing dekorasyong pampasko mula sa mga patapong bagay.

Gamit ang mga bagay mula sa basurahan, ipinakita ng Ecowaste Coalition, Buklod Kabataan at DeafEye kung paano makatitipid sa mga dekorasyon gawa sa upcycling, na tiyak na magbibigay-buhay sa pagdiriwang ng Pasko habang binabawasan ang tinatawag na “holitrash” (holiday + trash).

Gamit ang mga basura gaya ng party wares, pambalot ng regalo, plastik na bote, mga plastik na lalagyan at balot, lata at electronic waste o e-waste, makagagawa ka na ng Christmas decors.

“Sa ganitong mga upcycled na disenyo, hangad namin na mahikayat ang maraming Pi­lipino, lalo ang kabataan, para gawin itong libangan na bumuo ng malikhaing anyo gamit ang panapon, kasama ang mga residual, bago maitapon sa basura­han,” ani Daniel Alejandre, Zero Waste Campaigner, Ecowaste Coalition.

Sabi pa niya, “Ma­liban sa pagbawas ng dami ng materyal na itinatapon, ang pag-upcycle ay makatutulong din upang mapababa ang produksyon at pagkonsumo ng mga bagong materyales, na mag-aambag sa kabawasan ng pagkuha ng hilaw na materyal at polusyon.”

Mahusay na behikulo rin ang upcycling para maimulat ang publiko sa lumalalang problema sa basura ng bansa, at ang pangangaila­ngan ng pangmatagalang solus­yon sa problematikong panapon tulad ng mga single-use na pakete at produkto na sumisira sa katubigan, kasama ang karagatan.

Ilan sa mga upcycled na dekorasyong pamakso ay ang mga sumusunod: 1) upuan ng inidoro na pinalamutian ng computer mouse, earsets, kurdon at may nakasulat na “warning hazard” na nagsasabing “mind your e-waste”; 2) pabitin mula paper cups na sinabitan ng papel na kampanang may nakasulat na “mag-reusable tayo”; at 3) grupo ng limang anghel bilang “Pink Carolers,” na mula sa kulay pink na lalagyan ng fabric conditioner.

Iconic Snowman, Tatlong Hari, reindeer at si Santa Claus ay binuo rin mula sa mga gamit na paper bag, kahon ng pagkain, bote ng alak, lata, plastik na la­lagyan, na pinatingkad ng mga gamit na takip, butones at ribbon.

Ang sa akin lang, ito ang patunay na kapaki-pakinabang at may hala­ga talaga ang basura.