Seryoso si Ai Ai delas Alas na gusto niyang magkaanak sila ng mister niyang si Gerald Sibayan.

Hindi raw mala-Korina Sanchez ang mangyayari na may foreigner na surrogate mother dahil siya raw mismo ang magdadala ng baby sa kanyang sinapupunan.
Keri pa ba ni Ai Ai (sa edad niyang 54-anyos)?

“Keri namang magkeri. Sinabi naman ng doktor na keri,” sagot sa amin ng Comedy Queen.

Pero in vitro fertilization ang magaganap?

“Ahh… oo!” natatawang pakli niya.

Kapag ga­no’n, puwedeng piliin na kambal ang magiging babies, ‘di ba?
“Hindi, depende kay Lord. Merong chance, pero depende pa rin kay Lord. Kasi, siya ang nagde-decide eh, if mabubuo ‘yon o hindi.”

Kung si Ai Ai ang papipiliin, gusto raw niya ng kambal para tig-isa sila ni Gerald.

Matagal na raw naka-freeze ang egg cells niya, na gagamitin sa isasagawang IVF procedure. Alam daw niya ang proseso ng in vitro at handang-handa na siya para rito.

Bakit gusto nilang magkaanak ni Gerald?

“Siyempre, para kay Darl (tawag niya sa mister niya na pinaiksing ‘darling’) naman. Para meron naman kaming anak.

“Siyempre, aside sa may mga anak ako, gusto ko naman na may anak kaming dalawa para mas lalong binding ‘yung pagsasama namin.”

Ang ginagawang preparasyon ni Ms. Ai ay nagdyi-gym siya at pinapalakas niya ang likod niya dahil kailangan daw malakas siya ‘pag ginawa niya ‘yon. ‘Pag mahina ka raw kasi ay nganga.

In fairness ay hindi naman daw siya mahirap magbuntis. Nakakasayaw pa nga raw siya. Ewan niya lang ngayon dahil nagbabago ang panahon.

Excited daw maging ang mga anak ni Ai Ai sa plano nilang baby ni Gerald. Bale sa January 2020 ito naka-schedule, so pahinga muna siya nang isang taon sa trabaho.

Kaya ‘yung isang indie film na gagawin niya ay sa 2021 na raw. At ito rin daw ang dahilan kaya sunod-sunod ang movies na ginagawa niya dahil ‘yung iba ay next year pa ipapalabas.

Magbabakasyon din muna ang batikang komedyana mula sa “Sunday PinaSaya.” Tapos, ‘pag buo na raw talaga ang baby at safe na safe na, baka puwede na ulit siyang mag-work ‘pag 5 months na ang tiyan niya.

5th anniversary nila ni Gerald kahapon bilang magdyowa at sa Subic ang swit-switan date nila na may kasamang photo shoot a la JLo.

Sa May 1 ay ipapalabas ang pre-Mother’s Day movie ni Ai Ai na “Sons of Nanay Sabel (S.O.N.S.)” kasama ang rap group na Ex Battalion na siya ang nanay-nanayan sa totoong buhay bilang manager siya ng mga ito.
***

Jennylyn napaso sa pag-ibig

Pinagtambal for the first time ng GMA network sina Gabby Concepcion at Jennylyn Mercado sa heartwarming romcom series na “Love You Two.”

Ang karakter ni Jen dito na si Raffy ay hopiang-hopia sa kanyang nobyong si Theo (Clint Bondad) at atat na siyang yayain siya nitong magpakasal.

Sey ni Jen, napaso na sa pag-ibig ang karakter niya dahil ito na nga ang nag-propose sa boyfriend nito, tapos ay waley pa. So, nag-focus na lang ito sa family at mga kapatid.

In real life ay hindi naman daw ganu’n si Jen na humo-hopia na yayayain siyang magpakasal ng kanyang karelasyon (na si Dennis Trillo).

Pero katulad daw siya ni Raffy na mapagmahal sa pamilya at gagawin lahat para rito.

Keri kaya ni Jen na mag-propose ng kasal sa isang lalaki? Like halimbawa, ang tagal-tagal na nila at naiinip na siya, game ba siyang mag-propose?

“Hindi ko yata kaya. Hindi, eh!” Ani Jen, old school pa rin siya na ‘yung lalaki dapat ang magyaya ng kasal sa babae.

Nabanggit ni Jen na lahat ng business na ginagawa niya ay ka-partner niya ang boyfie niyang si Dennis.

Hindi lang doon sa negosyo nilang cookies, may iba pa silang bubuksan na business na ayaw pang sabihin kung ano pero big business daw ito.

Samantala, kinabahan daw si Jen nu’ng una dahil Gabby Concepcion ang katambal niya sa “Love You Two.” Sa mga unang eksena nila ay nabubulol daw siya at hindi mamemorya ang mga linya niya. Ganu’n siya kakabado.

Hindi raw tinawag ni Jen na Tito si Gabby kundi Sir bilang respeto rito.

Wala pa silang nakukunang kissing scenes pero kung meron ay okey lang kay Jen. Hindi naman daw maiiwasan ‘yung gano’n sa mga serye, so gagawin niya dahil trabaho ito.

Sa April 22 ang simula ng “Love You Two” sa GMA Telebabad kapalit ng “TODA One I Love.”