Dehado sa season, liyamado sa puso

Dehado ang Arellano bago pa mag-umpisa ang Season 92 ng NCAA women’s volleyball tournament.

Wala ring nag-aakala na masusungkit nila ang titulo dahil sa tindi ng line-ups ng San Sebastian at ­College of Saint Benilde.

Pero ginulat sila ng Lady Chiefs, binura ang thrice-to-beat advantage ng Lady Stags para bawiin ang titulo ngayong taon. Dalawang seasons na ang nakakaraan,­ winalis din ng Arellano ang Baste para iuwi sa Legarda ang unang titulo.

“Ipinakita nila ang kanilang puso, nagtrabaho sila para makuha itong championship,” ani Arellano coach Obet Javier na namatay ang asawa bago nagsimula ang finals.

Kinadena ng Lady Chiefs ang 12-game winning streak kasama ang pagwawalis sa San Sebastian sa finals.

“Nagpapasalamat ako sa mga players ko dahil palagi nilang sinasabi na iaalay nila ang championship sa yumao kong asawa,” hayag ni Javier.

Sina Ria Sante, Andrea Marzan at Jovielyn Prado ang hinugutan ng lakas ng Lady Chiefs para maibalik ang korona sa kanilang bakuran.

Si Prado ang Finals MVP, sinuwag ni Lady Stags star Grethcel Soltones ang pangatlong sunod ng Season MVP pero matatapos ang collegiate career na hindi maikahon ang pinakamakinang na tropeo, ang NCAA championship.