Kritikal ang kondisyon ng isang construction worker makaraang undayan ng saksak ng kasamahan nito na nadehado sa kanilang suntukan sa Caloocan City kamakalawa. Dehado sa suntukan, rumesbak ng saksak
Nakaratay sa Dr. Jose Memorial Hospital si Norwin Bacelonia, residente ng Robis 1, Camarin ng nasabing lungsod, dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang pinaghahanap pa ang nakatakas na suspek na si Richard Ode.
Sa ininsiyal na imbestigasyon, alas-siyete ng gabi, nag-iinuman ang biktima at ang suspek kasama ang iba pang kasamahan sa trabaho sa Path Walk malapit sa Robis Market, Brgy. 175.
Dala ng kalasingan nagkaroon ng diskusyon sina Bacelonia at Ode hanggang sa magsuntukan. Nagulpi ang suspek dahil mas malaki sa kanya ang biktima kaya nagpasya na itong umuwi.
Umuwi na rin si Bacelonia, pero lingid sa kanyang kaalaman nakaabang na si Ode at pinagsasaksak ang biktima saka tumakas.
Nahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek.