Dela Rosa binuhay ang Magnolia sa Last 8

Dela Rosa binuhay ang Magnolia sa Last 8

Kumalas sa fourth quarter ang Magnolia Pambansang Manok para takbuhan ang Blackwater 97-87 sa dayo ng PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo Biyernes ng gabi.

Inumpisahan ang season-opening tournament sa 0-3, angat sa 5-5 ang Hotshots para solohin ang sixth place at mabuhayan pa sa paghahabol sa last eight.

Huling laro ng Magnolia kontra NLEX sa pagtatapos ng eliminations sa April 3. Lumamang ng walo ang Hotshots sa second period pero nakabalik sa third ang Elite, naagaw pa ang lead 61-60 sa jumper ni Mac Belo. Pero sandali lang ‘yun dahil tinapos ng Magnolia ang period sa 8-0 blitz, anim dito mula kay Ian Sangalang.

Anim na players ni coach Chito Victolero ang nagsumite ng 10 points pataas, sa pangunguna ng 17 ni Rome dela Rosa. May 16 points at 10 rebounds si Sangalang, 16 markers at 9 boards si Paul Lee. Double-double ding 10 points at 10 rebounds si Rodney Brondial sa Hotshots.

Namuno ang tig-16 points nina Belo at Allein Maliksi sa Blackwater, tinapos ang kampanya sa 2-9.

Sa first game, naligtasan ng TNT Ka­Tropa ang makulit na Columbian Dyip 101-98 para palakasin ang tsansa sa No. 2 spot at bonus na twice-to-beat sa quarterfinals.

Angat sa 7-3 ang KaTropa sa likod ng 20 points at 7 assists ni Jayson Castro at tig-19 points nina Troy Rosario at Ryan Reyes na 5 for 8 mula 3-point range.

Seselyuhan ng TNT ang No. 2 kapag naipanalo ang huling laro sa eliminations kontra NorthPort bukas sa Smart Araneta Coliseum, at kapag hindi nawalis ng Ginebra (5-3) ang last three games.

Natengga sa 9th ang Dyip (4-7), may pag-asang humirit ng playoff spot para sa final slot kapag nagbuhol sila ng NLEX (4-5) pagkatapos ng 11-game eliminations. (Vladi Eduarte)