Ako’y mapalad at napanood ko ang laban ng Magnolia Hotshots at Ginebra San Miguel nitong nakaraang Lunes.
Nasungkit ng Magnolia ang pangalawang panalo ng semifinals series kontra Ginebra sa PBA Governors’ Cup.
Ako’y nagagalak at naging co-Player of the Game si Rome dela Rosa, anak ng dati kong manlalaro sa Shell Turbochargers na si Romy dela Rosa at kanyang maybahay na si April.
Si Romy ay isa sa pinakamasipag na manlalaro ng Shell noong araw at kasama siya sa mga nagbigay ng mga kampeonato sa aming koponan noong dekada nobenta.
Naalala ko na isang araw, pumunta sa a­ming ensayo si Romy at sinabihan ang mga coach ng Shell na gusto niyang sumali sa aming koponan kasi marunong daw siya maglaro.
Matagal sinasabi ni Coach Dante Silverio na gusto niyang kunin sa Shell si Romy kasi nakita niya dito sa manlalarong ito na magaling siya maging “receiver” ng bola kasi napakatulin tumakbo sa front court.
So nakipag-areglo kami sa dating koponan niya na Sta. Lucia sa PBL at noong napunta ang “player rights” niya sa Ginebra, nakipag-trade din kami sa La Tondeña.
Nakuha ng Shell si Romy at hindi nabigo ang aming koponan kay Romy.
Sa loob ng hardcourt, bukod sa bilis mag-lay­up, magaling din siya mag-shoot sa labas. Ang pinakagusto kay Romy ay ang galing niyang dumepensa.
Si Romy ay naninirahan na sa San Diego, California.
Ang mga katangian ni Tatay Romy, nakita ko sa anak niyang si Rome dela Rosa. Bukod sa puntos na kontribusyon niya, dinepensahan niya rin ang pinakamagaling na import sa PBA, si Justin Brownlee ng Ginebra.
Walang takot na dinedepensahan si Brownlee at labanan sa puwesto ‘yung dalawa. Hindi bumibigay si Rome kaya kahit 11 points lang ang kontribusyon niya sa pangalawang laro, pinarangalan siyang Best Player of the Game dahil sa matinding depensa niya kay Brownlee.
Nag-umpisa si Rome sa San Beda kung saan nakasungkit siya ng 2 kampeonato. Sa PBA D League, dalawang kampeonato ulit para sa NLEX. Na-draft siya ng Alaska sa PBA, No. 1 sa second round ngunit wala siyang natikman na championship sa Alaska.
Ito na sigurong kumperensiyang ito.
Lamang ang Magnolia, 2-0, sa series nila kontra Ginebra. The ­future looks bright for this 28-year-old player.