Delarmino buwis-buhay sa operasyon ng anak

Lahat gagawin ng isang tatay maipagamot lang ang kanyang anak. Kahit magkabasag-basag pa ang mukha.

Alam ni muay fighter Phillip Delarmino na pag-akyat niya sa lona ay posibleng malagay sa panganib ang kanyang buhay. Pero ­determinado siyang lumaban para sa pamilya at sa bansa.

Nakipagbugbugan si Delarmino, 29, para masilo ang medalyang ginto sa muay competition ng PH 30th Southeast Asian Games 2019 Linggo ng gabi sa Subic Bay Exhibition and Convention Center sa ­Zambales. Wagi siya laban kay VLong Doan Nguyen ng Vietnam sa ­finals ng men’s 57kg.

Inamin ni Delarmino, tubong-Dumangas, Iloilo, na kailangan ­niyang manalo ng gold upang gamitin ang insentibong makukuha sa ­pagpapaopera sa kanyang anak na may sakit sa puso.

“’Yung baby ko kasi ngayon may problema siya sa puso gagamitin ko ‘yung incentives sakaling operahan siya,” saad ni Delarmino na may kalungkutan sa mga mata. “Nagpapasalamat ako kay God kundi dahil sa kanya ay ‘di ko makukuha itong talent ko.”

Inungusan ni Delarmino si Doan Long Nguyen ng Vietnam, 29-28, upang makuha ang tagumpay sa men’s 57kgs event.

Tatlong subok sa biennial meet si Delarmino na naglalaro lang dati sa mga barangay at fiesta, silver ang nasilo noong 2013 SEAG habang hanggang nag-quarterfinals lang sa 2017.

“Dati boxing ako saka taekwondo, naglalaro lang dati sa ­barangay, fiesta, tapos national games, doon ako ­na-discover,” litanya ni Delarmino. “Kaya nagpapasalamat din ako sa ­Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Muay Association of the Philippines at sa aming President Lucas Managuelod.”

Taas noo din na hinayag ni Delarmino na dati siyang ­nagsa-sideline ng pangangalakal para matulungan ang pamilya.

“Masaya ako kasi lahat ng hirap naming magkakapatid at least kahit paano may kapalit din. ‘Yung pinaghirapan namin may bunga rin,” panapos ng atletang may asawa may at isang anak.

Ipinakita ni Delarmino ang tunay na laban ng isang ama, kahit anong kipot ng daraanan basta sa pamilya ay susungin. (Elech Dawa)