Inakusahan ni ­outgoing Board Member Aileen Lourdes Lizada si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na pinalsipika nito ang bahagi ng Memorandum Circular 2018-022 upang malibre ang 195 provincial bus na dumaan sa Parañaque Integrated Terminal ­Exchange (PITX).

Sa pagdinig ng Se­nate committee on public services kahapon hinggil sa mga isyu tungkol sa PITX, isiniwalat ni Lizada ang pandodoktor umano ni Delgra sa MC 2018-022 dahil wala aniyang initials nito ang nakalagda sa dokumento.

Aniya, hindi nito nilagdaan ang MC-022 dahil naglalaman ito ng ‘manifest partiality’ sa ilang operator ng bus.

“It appears that there is manifest partiality to some bus operators, causing due injury to other bus operators in the amount of loss income nila,” ani Lizada.

Mariing itinanggi naman ni Delgra ang akusasyong dinoktor nito ang MC 2018-022 tulad ng paratang ni Lizada sa harap ng komite.

“I am under oath and I absolutely deny the malicious allegation,” ani Delgra.

Paliwanag ni Delgra, walang pirma ang pinal na kopya na natanggap niya at nakalakip lamang aniya roon ang dissenting opinion mula sa initial draft ng order.

“Nothing was changed in the MC-022. The final copy did not have her signature, attached only was her dissenting opinion from the initial draft,” dagdag nito.

Sa ilalim ng MC-022, ang ilang provincial bus ay pahihintulutang i-bypass ang PITX at bumiyahe sa EDSA.