Delikado ang mga pabayang labor officials

Mabibilang na ang araw ng mga pabaya at abusadong labor officials na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ito ay kasabay ng pag-arangkada ng imbes­tigasyon ng Department of Labor and Employment (D0LE) sa dalawang labor attache ng bansa sa Saudi Arabia na sina Rustico dela Fuente, labor attache sa Riyadh at Jaina Rasul ng Jeddah.

Kinakastigo ang da­lawa dahil sa kanilang pagpapabaya sa mga kalagayan ng overseas Filipino workers (OFWs­) sa mga bansang kanilang pinamumunuan kung saan ay marami ang stran­ded habang ang ilan ay naaresto pa dahil sa kakulangan ng mga papeles.

Kaya nama­n hind­i lang pagkasibak ayo­n kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang dapat ipataw sa mga ito kundi administratively ay kakasuhan din ang ang dalawang opisyal.

Ang kasong ito ay magsilbing leksyon dapat sa lahat ng labor attache at kanilang mga tauhan upang ma­ging mga responsable sa kung anumang obligasyon ang nakaatang sa inyo.

Para sa inyong impormasyon, itinalaga kayo riyan sa kung saanmang sulok ng mundo para mangalaga sa ating mga kababa­yang kumakayod.

Hindi naman sigu­ro kayo itinalaga riyan para magpasarap ng buhay.

Pero sana ay ma-evaluate ng secretary ng DOLE ang performance ng ating mga labor officials sa iba’t ibang baha­gi ng mundo upang masibak na ang mga pabaya.

Sayang naman ang pagpupursige ng gobyernong Duterte na maisaa­yos ang kalagayan ng ating mga OFW kung may natitirang mga pasaway na labor officials na sa ba­lita natin ay sa halip na sila ang mag­serbisyo sa mga OFW ay sila pa ang pinagsisilbihan.

Pero mas mabuti rin siguro kung ikonsidera na lang ng DOLE at mismo ng Pangulo na sibakin nang lahat ang mga nakaupong mga labor attache at palitan ng bago.

Dahil kung matitino mang iba ay nakatitiyak naman akong mas mara­ming mas matitinong makukuha ang Pangulo na pasok sa panlasa ng kanyang pamumuno.