Marami ang nagulat sa ulat na may Australian, Japanese at Taiwanese ang nagpositibo sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa pag-uwi nila sa kani-kanilang bansa matapos ang pagbisita sa Pilipinas. Ito kasi ang panahon na napako lang sa 3 kaso ang nagpositibo sa coronavirus.

Sa kaso ng Taiwa­nese, bumisita siya sa bansa mula Pebrero 28 hanggang Marso 3 pero Marso 2 pa lamang ay nakaramdam na ng sore throat, lagnat at panghihina. Pagbalik niya sa Taiwan ay tumungo siya ng clinic at Marso 5 nakumpirma na may virus na ito.

Ang Japanese naman ay bumisita sa bansa noong Pebrero 21 hanggang 28 at nanatili sa tatlong hotel sa Metro Manila. Tumungo pa ito ng Thailand at Cambodia kahit inuubo at may sinat na. Pagbalik niya sa Japan noong Marso 4, nagpositibo ito sa virus.

Ang Australian naman ay dumating sa Pilipinas noong Pebrero 13 para dumalo sa isang kasalan sa Maynila at pagkatapos ay dumiretso ng Pangasinan.

Bumalik ito sa Sydney noong Marso 2 at nagpositibo sa virus kinabukasan.

Depensa ni Health Secretary Francisco Duque, baka nakuha sa ibang bansa ang virus bago sila pumasok sa Pilipinas. Matigas kasi ang paniniwala nito na wala pang local transmission ng virus kaya imposibleng dito sa bansa nahawa ang mga dayuhang turista.

Pero nang nagposi­tibo sa virus ang isang lalaki mula sa Cainta, Rizal at mahawa ang kanyang misis, dito na kinumpirma ng DOH ang unang local transmission ng virus. Inamin ng Cardinal Santos Medical Center sa San Juan na unang dinala sa kanila ang pas­yente bago inilipat sa RITM. Kinumpirma rin ng Deloitte Philippines sa BGC, Taguig City na empleyado nila ang ika-4 na nagpositibo sa virus.

Nilihim ito ni Duque dahil ayaw daw niyang magdulot ng panik sa mga tao. Sa ginawa niyang paglilihim, marami naman ang nalagay sa panganib ang kanilang kalusugan. Akala ng mga tao ay safe mamasyal sa Greenhills mall, ‘yon pala ay may virus carrier na pala roon na nakapanghawa na.

Hindi natin masisisi ang mga tao kung magalit sa gobyerno, partikular sa DOH. Maging transparent sana ang kagawaran sa pag-uulat. Kung hindi nila alam na may ma­laking bilang na ng nagpositibo, ibang usapan na ‘yan.