Kamatayan ang kinahantungan ng isang delivery boy nang biglang bumangon mula sa mahimbing na pagkakatulog, umakyat sa puno ng mangga at nahulog una ang ulo sa Quezon City.
Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima na si John Anthony C. Espinido, 36, binata, at stay-in delivery boy sa JMK-R store na matatagpuan sa No. 13 Felicia St., San Antonio Home, Culiat, Tandang Sora, QC.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Marvin Masangkay, ng CIDU-QCPD, dakong ala-1:30 Linggo ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa isang condominium malapit lamang sa pinagtatrabahuhan ng biktima.
Ayon sa kasama niyang si Jobert Fedilos, natutulog umano si Espinido at nagulat na lamang siya nang bigla itong bumangon, nagtungo sa likuran ng gusali, at umakyat sa puno ng mangga.
Nang sundan niya ito ay nakita niyang nahulog mula sa puno ang biktima at dahil sa una ang ulo na lumagapak sa semento ay agad itong binawian ng buhay.