Patay ang isang delivery boy ng Shopee online matapos mabangga ng truck ang sinasakyan nitong motorsiklo sa Valenzuela­ City kahapon nang madaling-araw.

Dead-on-arrival sa Valenzuela City Medical Center dahil sa grabeng pinsala sa kanyang ulo ang biktimang si Alfie Topaz, 29-anyos at residente ng Pleasant Hills Subdivision, San Jose del Monte City, Bulacan.

Kusang loob namang sumuko ang drayber ng truck na si Josie Carpentero, 31-anyos at nakatira sa San Miguel, Bulacan.

Batay sa ulat ng Traffic Vehicle and Investigation Unit ng Valenzuela Police, bandang ala-1:59 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa Brgy. Ugong.

Nag-overtake umano ang truck at nahagip ng tagiliran nito ang motorsiklo ng biktima at tumilapon ito.

Sa lakas ng pagkakabundol, kahit may helmet ay basag ang bungo ng biktima.

Nahaharap si Carpentero sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.