Sumiklab ang kaguluhan matapos na magpang-abot ang mga tauhan ng demolition team at mga vendors sa Caloocan City kahapon ng umaga nang umĀ­pisahan umano ang demolisyon sa Langaray Market na matagal na din umanong nakabibin ang pagsasaayos.

Ganap umanong alas-otso ng umaga nang dumating ang mga tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) upang harangan ng yero ang nasabing palengke ngunit sinalubong umano sila ng mga bote at bato mula sa mga nagbarikadang mga vendors na nakaabang sa kanilang pagdating.

Doon na napilitang umatras ang mga tauhan ng DPSTM na umano ay Araw ng Sabado pa nagtatangka nang makapasok sa lugar upang maipatupad ang closure order sa mga puwesto sa talipapa, ilan pa umano sa mga vendors ang nasaktan sa insidente habang may mga miyembro rin ng demolition team ang tinamaan sa pambabato.