Lumalaki ang problema sa dengue. Bagama’t normal na ang pagtaas-baba ng mga kaso nito sa iba’t ibang sulok ng bansa sa buong taon, ang higit na nakakabahala ngayon ay ang mortality rate ng mga pasyente.
Tumataas ang numero ng mga namamatay. Bakit?
Hindi ito dahil sa pagsulpot ng mas mabangis na strain ng dengue virus. Isa sa pangunahing rason, ayon sa rekord ng mga government hospital, ay ang atrasadong pagpapatingin ng may sakit.
Bata man ito o matanda, nag-aatubili sa pagpapa-check-up. Maraming magulang ang sinusubukan talaga muna ang self-medication sa lagnat ng mga bata.
At hindi basta masisisi ang mga magulang kung magkagayon man. Sa panahong ito na kapos ang suweldo sa mahal ng mga bilihin, asahan na masasakripisyo talaga ang kalusugan.
Ang hindi nauunawaan ng maraming magulang at mga guardian, sa pangatlong araw ng dengue virus sa katawan ng isang pasyente – lalo ng mga bata – ay marami nang danyos ang puwedeng mangyari.
Bumabagsak ang platelet nito at nagkakaroon ng pagdurugo ng mga internal organ. Isang kalagayang mahirap malagpasan kung mahina ang naturalesa o natural na panlaban ng katawan sa virus.
‘Yan ang klarong koneksiyon ng dengue death toll sa ekonomiya o sa bulsa ng karaniwang mamamayan. Naiiitsa-puwera ang maagap sanang pagpapagamot sa mga may sakit dahil wala na talagang ekstrang pera para rito.
Kahit libre ang magpa-check up sa mga health center, iyong mga resetang gamot at lalo na ‘yung confinement ang kinatatakutan ng maraming Pinoy na walang budget sa sakit. Maging ang paghinto sa trabaho o anumang pinagkakakitaan kapag naratay sa ospital ay isa ring major concern ng mga pobre.
Ano kaya ang puwedeng solusyon dito ng pamahalaan? Hangga’t sisinghap-singhap ang bulsa ng marami dahil sa mataas pa ring inflation rate, tataas talaga ang death toll ng dengue at iba pang nagagamot na sakit.