Dengvaxia ginawang raket sa Calabarzon

Nagbabala ang Department of Health (DOH)-­Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, ­Quezon) sa mga local government units (LGUs) at sa ­publiko ­laban sa ilang indibidwal na ginagawang ‘raket’ ang kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.

Ayon kay DOH-Calabarzon Regional Director Eduardo C. Janairo, nakarating sa kanyang tanggapan na may grupo umano na nagpapakilalang mga ‘good samaritan’ ang humihingi ng pinansiyal na tulong at dengue kits para ibigay umano sa mga estudyante ng Malakaban, Binangonan, Rizal na umano’y na­bakunahan ng Dengvaxia vaccine.

Sinabi ni Janairo na walang mga bata ang dunaranas ng kumplikasyon matapos na mabakunahan ng Dengvaxia sa naturang lugar.

Iginiit ni Janairo na hindi dapat sinusuportahan ng publiko at LGUs ang mga ganitong raket.

Hinikayat ni Janairo ang publiko na kaagad na ipaalam sa DOH Task Force sa telepono (02) 711-1001 to 02; Smart (0920) 110-7498; Globe (0917) 0915-7725621 ang sinumang indibidwal na ginagawang raket ang Dengvaxia issue para mapanagot.

Ayon pa kay Janairo, direkta silang nakikipag-­ugnayan sa mga magulang ng mga bata na umano’y nagkaroon ng sakit makaraang maturukan ng Dengva­xia.