Dengvaxia scare nauwi sa tigdas outbreak — Noynoy

Naniniwala si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na ginamit ang isyu ng Dengvaxia para takutin ang mamamayan sa bakuna.

Inihahayag ito ni Aquino kasunod ng na­ging rekomendasyon ng Kamara na sampahan siya at ilang dating opisyal ng kasong kriminal at sibil kaugnay sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine.

Ayon kay Aquino, ginamit ng kanyang mga kalaban sa politika ang isyu para pali­tawing mali ang kanyang ginawa nang ipa­tupad ang anti-dengue vaccination program at ang naging resulta ay nagdulot ng takot sa mga magulang kaya ayaw nang ipabakuna ang kanilang mga anak para sa ibang mga sakit.

“Maliwanag po, may mga kalaban tayo sa politika na laging sinasabing mali ang ating ginagawa o ‘di ginawa. Gumagawa sila ng isyu kung saan dapat walang isyu. Binalot nila ng intriga, pagdududa at takot ang mga bakuna kaya pati ang bakunang para sa tigdas ay inaayawan,” ani Aquino.

Pinanindigan ni Aquino na wala pang ebidensiyang nagpapakita na nakakamatay ang Dengvaxia.

Ayon kay Aquino, may kabuuang bilang na 837,902 ang mga nabakunahan ng Dengvaxia pero 17 lamang sa mga ito ang posibleng nagkaroon ng malubhang antas ng dengue batay sa datos ng Department of Health (DOH).

“Batay sa records, may kabuuang bilang na 837,902 ng taong nakatanggap ng kahit isang dose ng Dengvaxia. Tinataya na 90% daw ng katao sa bansa ang na-expose na sa dengue. Ang tinatayang hindi pa nagka-dengue ay 10% naman. Ang sabi: .02% ng naturang 10% ang may riskong magkaroon ng severe dengue. Paano tinatala ang .02%? Sa calculator, ito ay: .002 o 2 kada 10,000. Para ma-compute ngayon ang .02% ay kunin ang 10% ng 837,902. Ito ay 83,790.2, saka i-divide ito sa 10,000; tapos ay i-multiply sa 2. Ang resulta ay: 16.758, o pag-rounded off ay 17. 837,895.
Bibigyang-diin ko po: 17 lang sa kabuuang bilang na 837,902 ng nabakunahan ang BAKA magkaroon ng Grade I at II na severe dengue,” sabi ni Aquino.

Dagdag pa ng dating Pangulo na nagkaroon na ng mga pagdinig tungkol sa na­ging immunization program ng DOH, at mas napag-usapan ito nang inanunsyo ng Sanofi na mataas ang risk na magkaroon ng severe dengue ang mga taong nabakunahan ngunit hindi pa tinatamaan ng nasabing sakit.

Sinabi rin ni Aquino na kasalungat ng sinasabi ng committee report, ay hindi umano siya nakatanggap ng anumang pahayag na nagbibigay ng babala hinggil sa Dengvaxia simula nang planuhin ito.

Hinimok din ng dating Pangulo na ilabas ng komite kung saan galing ang paha­yag nitong nagsasabi na may mga nagbabala na o kumontra hinggil sa kontrobersyal na bakuna bago pa ito mailabas sa publiko.

Batay sa pinakahuling ulat ng DOH kahapon, higit 70 katao na ang namatay sanhi ng tigdas sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa habang daan-daan pa ang nilalapatan ng lunas sa mga ospital.

TIGDAS OUTBREAK
‘WAG POLITIKAHIN — ROBREDO
Pinayuhan ni Vice President Leni Robredo ang mga opisyal ng pamahalaan na magtulungan para malutas at masagip sa pa­nganib ang mga batang tinamaan ng tigdas sa halip na patuloy na magturuan at magsisihan sa paglala ng nasabing sakit.

Ayon kay Robredo, hindi nakatutulong ang pagsisisihan at pag-atake ng bawat isa kundi nakakawala pa ng tiwala sa mga opis­yal ng gobyerno.

“Nababahala tayo sa mga balitang siksikan na ang mga batang may tigdas sa mga pagamutan. Nakakalungkot din na ilang bata na ang binawian ng buhay. Hindi ito panahon para sa politika o alitan, panahon ito para sa pagkilos. Bilang isang ina, hindi katanggap-tanggap para sa akin na uma­bot tayo sa ganito. Pero may magagawa pa tayo,” diin ni Robredo.

Hinikayat din ni Robredo ang mga magulang at opisyal ng pamahalaan na magtulu­ngan sa kampanya para mapabakunahan ang mga bata gayundin ang mga matatandang hindi pa nagkakaroon ng tigdas.

“Subok na ng mahabang panahon ang bisa ng mga bakunang ito at walang dahilan para hindi ito gumana kung kailan natin pinaka-kailangan. Magtulungan po tayo na muling bumalik ang tiwala ng publiko sa wastong pagbabakuna, upang hindi magkaroon ng mas malawakang outbreak ang tigdas at iba pang nakahahawang sakit,” ani Robredo.

ACOSTA PINAGBIBITIW
SA BAKUNA SCARE
Pinagbibitiw ni Senador Risa Hontiveros sa puwesto si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta dahil nawalan umano ng kumpiyansa ang mga magulang sa benepisyo ng immunization program ng gobyerno dulot ng Dengvaxia scare.

“I call on Acosta: resign your post. She has brought shame and embarrassment on an office sustained by the selflessness, de­dication and sacrifice of its idealistic lawyers and rank-and-file staff,” giit ni Hontiveros.

Ani Hontiveros, mula nang simulan ni Acosta ang kanyang Dengvaxia investigation ay kailanman hindi ito humingi ng payo mula sa mga eksperto ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) kung kaya nagresulta ito ng matin­ding pagkabahala ng publiko.

“Because of her antics, and faith in the advice of vaccine experts and doctors is on the decline… A responsible public servant would have called for calm. Instead, she sowed panic,” ani Risa.