Dennis ayaw makipagpaligsahan kina Alden, Dingdong

Dennis ayaw makipagpaligsahan kina Alden, Dingdong

Nang mag-cross over si Dingdong Dantes sa ABS-CBN, pumatok sa takilya ang mga pelikulang ginawa niya tulad ng “One More Try”, “The Unmarried Wife” at “Seven Sundays”.

Naging monstrous hit ang “Hello, Love, Goodbye”, ang unang pelikula ni Alden Richards sa Star Cinema kasama si Kathryn Bernardo.

Para kay Dennis Trillo, ayaw niyang magpa-pressure o makipagpaligsahan kung anuman ang natamong tagumpay sa takilya ng kanyang co-Kapuso actors.

Ang pelikulang “Hellcome Home” na isang supernatural thriller ang una niyang pelikulang iprinudyus ng Star Cinema.

“Iba-iba naman ‘yung mga projects namin, may drama, may love story, sa akin, horror. Ako naman, ako ‘yung tipo ng artista na mas mahalaga ‘yung quality ng pelikula kesa ‘yung inuuna na kikita ba ‘yung ganito o ganoon. Ako ‘yung tipo ng artista na mas pinakahahalagahan ko ‘yung magagandang reviews sa mga projects ko kasi iyon ang importanteng tatatak sa mga tao o sa mga nanonood ng pelikula. Forever na siyang nakasulat o mababasa mo sa internet,” paliwanag niya.

Ginagampanan ni Dennis ang papel ng isang padre de pamilya na ang bahay ay binalot ng lagim dahil sa iba’t ibang klase ng espiritu sa “Hellcome Home”.

Idinirehe ni Bobby Bonifacio, Jr., ito ang Halloween treat ng Star Cinema na palabas na simula sa Oktubre 29.

Kasama rin sa cast sina Beauty Gonzales, Raymond Bagatsing, Allysa Muhlach, Teejay Marquez, Gillian Vicencio at Miel Espinosa. (Archie Liao)