Dennis, Gloria winner sa MMFF

Nina Ronaline Avecilla at Roldan Castro

Hakot-award ang pelikulang Rainbow’s Sunset na pinagbidahan nina Gloria Romero, Eddie Garcia at Tony Mabesa. Ito ay sa direksyon ni Joel Lamangan.

Nag-uwi ito ng 11 tropeo sa ginanap na 44th MMFF Awards Night nitong Dis­yembre 27 sa Solaire Theatre.

Nangu­nguna na diyan ang batikang aktres na si Gloria Romero na nagwagi bilang Best Actress.

Maluha-luha pa nga niyang tinanggap ang parangal. Hindi umano niya akalain na sa edad niyang 85 ay makakatanggap pa siya ng prestihiyosong award.

Kapwa nasungkit nina Tony Mabesa at Aiko Melendez ang Best Supporting role. Naiuwi naman nina Eddie Garcia at Max Collins ang dalawang Special Jury Prize.

Aiko tagasalo ni Maricel

Bagama’t second choice si Aiko Melendez sa pelikulang “Rainbow’s Sunset” perfect naman siyang pamalit kay Maricel Soriano.

Nanalo siya ng Best Supporting Actress award. Hindi kaya pagsisihan ni Maricel na nawala sa kanya ang nasabing role?

Balitang P8M umano ang hinihinging TF ng kampo ni Maricel samantalang indie movie production lang ito.

Bagay rin sana sa Diamond Star ang role bilang mayor na may paninindigan at strong personality.

‘Wag patayin ang pelikulang Pilipino’ — Joel Lamangan

Itinanghal din na Best Director si Joel Lamangan at nagpaabot ng mensahe na ‘wag patayin ang pelikulang Pilipino. Hiling din niya na sana ay dagdagan ang mga sinehan para sa pelikula nilang Rainbow’s Sunset dahil matapos ang opening day ay nabawasan ang mga sinehang pinaglalabasan nito.

Kabilang din sa nahakot ng Rainbow’s Sunset ay ang Best Original Theme Song, Best Production Design, Best Screenplay, Gat Antonio J Villegas Cultural Award at ang MMFF Best Picture.

Ikalawa sa may pinakamaraming nahakot ay ang pelikulang Aurora na pinagbidahan ni Anne Curtis. Nagwagi ang aktres bilang Scratch It Female of the Night at si Jericho Rosales (Girl In The Orange Dress) naman ang itinanghal na Male of the Night. Kabilang sa nahakot ng pelikula ay ang Best Child Performer, Best Visual Effects, Best Sound Design, Best Cinematography at 2nd Best Picture.

Nakasungkit din ang pelikula nina Coco Martin, Maine Mendoza at Bos­sing Vic Sotto na Jack Em Popoy: The Puliscredibles. Nakuha nila ang Best in Float, Best Editing Award at FPJ Memorial Award.

Mapalad naman ang aktor na si Dennis Trillo mula sa One Great Love na napanalunan ang Best Actor Award.

Nagwagi rin ang naturang pelikula ng Best Musical Score at 3rd Best Picture.

Inialay kay Jennylyn ang award

Sa Instagram account ni Dennis ay nagpasalamat siya sa pagkapanalo niya sa filmfest.

“Labing apat na taon mula noong ako’y unang nakatanggap ng ganitong parangal, para sa pelikulang Aishite Imasu 1941 directed by Joel Lamangan, na siya ring pinaka una kong pelikulang nagawa sa buong buhay ko. Salamat po Mother Lily sa pagtitiwala noon pa man, hindi hindi ko po yun makakalimutan.

“Taos puso din ang aking pasasalamat kay Miss Kim Chiu, JC de Vera, Marlo Mortel, at Miles Ocampo lahat ay magagaling at seryoso sa trabaho, mapalad at proud akong nakagawa ng pro­yekto kasama kayo.

“Malaking bagay din ang tulong at paggabay ng aming director na si Direk Eric Quizon. Salamat sa pagbigay ng kumpiyansa sa akin upang magampanan ko ng maayos ang role ni Ian.

“Ang lahat ng ito ay hindi ko magagawa kung hindi sa tulong ng lahat ng mga mahal ko sa buhay.

“Salamat sa inyong pag aalaga at pagmamahal sakin lalu na kay @mercadojenny.”