TRENDING si Dennis Trillo nu’ng Huwebes nang gabi dahil sa dalawang bagay: nanalo siya ng award sa Seoul, South Korea at naka-selfie niya si Song Joong-ki.

Nasulat na namin kahapon na nagwagi si Dennis ng Asian Star Prize sa 11th Seoul International Drama Awards kung saan nakasama niya ang iba pang mga pinarangalang aktor mula sa Asya.

Isa sa mga tumanggap ng tropeo nu’ng gabing ‘yon ay ang Korean heartthrob na si Song Joong-ki, na gumaganap bilang si Captain Yoo Si Jin a.k.a. Big Boss sa K-drama na Descendants of the Sun.

May moment na nagsama-sama sa stage ang mga binigyan ng award.

Sinamantala ni Dennis ang pagkaka­taong ‘yon para mag-selfie gamit ang kanyang celfone camera.

May shot si Den na grupo sila at kasama sa frame ‘yung ibang fo­reign actors na awardee ring katulad niya, tapos ay may ilang kuha siya na silang dalawa lang ni Song ang magkasama.

Mukhang ang bait ni Song, na tumingin at nag-smile sa kamera ni Dennis.

Nakakatawa ‘yung mga nabasa naming tweets na karamihan ay super-inggit kay Dennis dahil naka-selfie nito ang sikat na Korean actor.

Actually, parang mas marami sa kanila na sobrang big deal na may pic si Dennis with Song at tila wala silang keber sa award na tinanggap ng Kapuso actor.

Para sa kanila ay nuknukan nang suwerte si Dennis at halos mamatay sila sa inggit dahil lang sa selfie moment na ‘yon, na feeling namin ay hindi ganu’n ka-big deal for Dennis.

Ang dalawa sa alam naming maiinggit nang todo kay Dennis ay ang magkapatid na Janice at Gelli de Belen na super sa pagka-die hard fans ng Korean stars and e­verything Korean!

Ang galing din kasi ng timing ni Dennis na nakasama niya at nakapiktyuran ang bida ng DOTS na sikat na sikat ngayon sa ‘Pinas dahil sa nasabing Koreanovela na pinapalabas sa GMA.

For most K-Pop fans, itinuturing nilang mas bonggang award ‘yung selfie ni Dennis kasama ang 30-anyos na Korean star kesa du’n sa tropeo na binigay ng SIDA.

PAK GANERN sa kanila ang precious pic ni Papaw kasama si Big Boss!

“What a night,” ang simpleng caption ni Den sa Instagram sa ginawa niyang selfie collage.

Ang girlfie ni Dennis na si Jennylyn Mercado a.k.a. Mamaw ay nag-post ng isang SongDen selfie sa IG at ang sabi nito, “Congrats, Papaw! Really proud of you!”

One Response