Naglabas na ng warrant of arrest ang Olongapo Regional Trial Court (RTC) laban kay Allan Dennis Sytin matapos itong ituro na siyang mastermind sa pagpatay sa kanyang kuya at kilalang negosyanteng si Dominic Sytin.
Ang pagpapalabas ng arrest order ng Olongapo RTC ay matapos na makitaan ng basehan para litisin sa kasong murder at frustrated murder si Allan Dennis Sytin, dahil sa naganap na pag-ambush kay Dominic Sytin sa Lighthouse hotel sa Subic Freeport noong Nobyembre 28, 2018 na ikinasawi nito at ikinasugat ng bodyguard nitong si Efren Esportero.
Matatandaang nauna ng sinampahan ng kasong murder at frustrated murder ng Department of Justice (DOJ) si Allan Dennis Sytin, at dalawang iba pa na nakilalang sina Ryan Rementilla alyas ‘Oliver Fuentes’, at ang self-confessed gunman na si Edgardo Luib.
Ang nasabing kaso ay nauna ng ipinadala sa Olongapo RTC dahil doon naganap ang krimen pero ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra hihilingin nila sa Korte Suprema na ilipat ang kaso sa Metro Manila.
Paliwanag ni Guevarra, para umano ito sa kaligtasan at seguridad ng mga tatayong witness at para maiwasan na rin ang pressure sa korte.
Naglabas naman ng pahayag si Allan Dennis, aniya maghahain ito ng petition for review sa office of the Secretary of Justice at umaasa na mababaligtas ang desisyon korte. (Edwin Balasa)