Tiniyak ni outgoing Department of Information and Communications Technology (DICT) Acting Secretary Eliseo Rio na hindi makokompromiso ang seguridad at datos ng mga subscriber kahit na isang kompanya mula sa China ang kasama ng Mislatel consortium na napi­ling ikatlong telecommunication player (telco) sa bansa.

Sinabi ni Secretary Rio na may kakayahan si inco­ming DICT Secretary Gregorio ­“Gringo” ­Honasan na bantayan ang interes ng Filipino subscri­bers dahil may managerial skill ito noong nasa Department of National Defense (DND) pa ito.
Naging kanang kamay aniya ni dating Senador Juan Ponce Enrile si Honasan noong kalihim pa ito ng DND at hinawakan nito ang document security na basehan ngayon ng cyber security.

“May managerial skill si Greg. Matagal siya bilang right hand ni Senador Juan Ponce Enrile noong siya pa ang kalihim ng Department of National Defense. Siya ang nag-handle ng document security ng DND at ‘yan ay ang basis ngayon ng cyber security natin,” ani Rio.

Nangangamba ang ilang sektor sa posibilidad na maging banta sa pambansang seguridad ang pagpasok ng 3rd telco lalo pa’t kasama sa Mislatel consortium ang China Telecom. Bahagi rin ng consortium ang Udenna Corporation at Chelsea Logistics Holdings Corp. ni Davao businessman Dennis Uy.

Binanggit naman ni Rio na ang mga kagamitan ng Smart at Globe ay halos galing din sa China pero wala namang nangyari tulad ng pinangangambahan ngayon.

“Marami ang concerned na China ang pumasok. Kailangan matutukan natin, plus the fact na halos lahat ng mga equipment ng Globe and Smart ay halos China. ‘Yun din bago China rin,” dagdag pa ni Rio.

Pinayuhan ng kalihim ang publiko na hindi dapat nakadepende sa telco, bagkus ay ma­ging responsable sa paggamit ng serbisyo ng mga ito para masigurong hindi malalagay sa alanganin ang pambansang seguridad.

“Kailangan hindi natin ididipende sa mga telcos ‘yung ating seguridad. Dapat ating responsibility ‘yan. Dapat tutukan natin sila na hindi magamit ang network nila for threat to our national security,” wika pa ni Rio.