Isa sa mga pinakasikat na volleyball player ngayon si Dennise Michelle Lazaro, mas kilala sa palayaw na Denden at tinaguriang ‘Iron Eagle’ ng Philippine Volleyball.
Unang napansin ang husay ni Lazaro nang maglaro ito sa Palarong Pambansa noong 2009 at kabilang siya sa NCR Girls Secondary Division. Naging bahagi rin siya ng Youth U16 Girls National team.
Sa kanyang collegiate career, naglaro ang 27-anyos na si Lazaro sa Ateneo de Manila University Lady Eagles sa UAAP sa loob ng limang taon at naglaro din ito ng Beach Volleyball sa Beach Volleyball Republic mula 2015.
Naglaro rin sa Shakey’s V-League si Lazaro noong 2015 sa Open Conference Season 12 sa ilalim ng PLDT Home Ultera Fast Hitters at noong 2016 Open Conference Season 13 kasama naman ang BaliPure Purest Water Defenders.
Binigay din ni Lazaro ang kanyang serbisyo para sa National Team noong 2015 at 2017 Southeast Asian Games at sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Ngayon ay naglalaro ito sa Petron Blaze Spikers sa Philippine Superliga (PSL) Grand Prix matapos ang ilang taon nitong paninilbihan sa Cocolife Asset Managers sa parehong liga.
Dahil nasa limelight, marami ring buma-bash sa balebolista subalit aniya, hindi na lamang niya iniintindi ang mga ito at pokus na lamang sa kanyang team.
Nakatakda na ring magpakasal ang player sa kanyang long-time boyfriend na si L.A. Revilla at kamakailan lamang ay inanunsiyo ng dalawa ang kanilang engagement.
Romeo and Juliet ang peg ng kanilang lovelife dahil magkaribal na teams ang kanilang pinagmulan sa UAAP. Si L.A. sa De La Salle University habang si Denden naman sa Ateneo subalit mas nanaig ang kanilang pagmamahalan.
Q&A
Abante: Paano mo madi-differentiate ‘yung naging laro mo ngayon sa Petron at doon sa dati mong team club?
Denden: Feeling ko just the work load, I think mas nabawasan. Other than that it’s the same.
Abante: Ano ‘yung pakiramdam mo naglalaro ka sa isa pinakamalakas na team ngayon sa PSL?
Denden: Sobrang huge honor, not everybody can join a team like Petron, ‘di ba? Lucky na lang rin that there was a spot open and they needed a libero.
Abante: Handa ka pa rin ba na ibigay ‘yung serbisyo mo sa Philippine team?
Denden: Oo naman, if needed naman ako why not. Pero siyempre ang focus ko pa rin ngayon is my club team but when duty calls, you have to give yourself.
Abante: How do you handle your bashers?
Denden: Sanay na tayo sa ganyan. I mean, when you hear something negative masakit but you have to take constructively, I guess. It has help me a lot since college hanggang ngayon, I take it constructively na lang.
Abante: Paano mo makukumpara ‘yung collegiate at professional?
Denden: I think yung level of competition ibang-iba. Siyempre hindi rin madali going into a team kasi magkakaiba yung backgrounds namin lahat, iba yung sistema na pinanggalingan namin and I think yung kailangan na lang i-work on syempre ‘yung chemistry and paano kayong lahat magfi-fit dun sa system ng coach. I think you have to broaden ‘yung pag-iisip mo para mag-improve ka pa lalo as a player and to mature even more.