DENR maabot ang 2019 biodiversity conservation target

Positibo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maabot nito ang 2019 biodiversity conservation target para mabigyan ng proteksiyon ang mayamang biological diversity ng bansa sa kabila ng sabay-sabay na isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay at Boracay Island.

Sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na sa pamamagitan ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ay maaabot ng DENR ang layunin nito sa 2019 partikular na sa biodiversity conservation kung saan ay nalampasan nito ang target sa larangan ng “cave assessment” at pagpapalabas ng wildlife permit sa buwan pa lang ng Oktubre.

“This is palpable evidence that the DENR is not only focused in the rehabilitation of Manila Bay and Boracay, but also in the conservation of the country’s flora and fauna,” sabi ni Cimatu.

Aniya, hindi tumitigil ang DENR sa pagpapatupad ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.

Layunin ng batas na ito na mapangalagaan at maprotektahan ang wildlife species at ang kanilang tirahan para magkaroon ng ‘ecological balance’ at mapalakas ang biological diversity.

Nitong nakalipas na Oktubre, ang BMB ay nakapagsuri ng 52 kuweba o mas mataas ng 137% sa taunang target na 38.

Sa pamamagitan naman ng Philippine Operation Group on Ivory and Illegal Wildlife o Task Force POGI ay nakakumpiska ang ahensiya ng 72 na iba’t ibang uri ng wildlife species at 15.6 kilograms ng agarwood (Aquilaria spp.) sa magkakahiwalay na operasyon sa bansa. (Riz Dominguez)