DENR nilibre ang pagpasok sa Bohol man-made forest

Libre nang makakapasyal ang mga turista sa kilalang man-made forest sa Bohol pro­vince dahil sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pangongolekta ng entrance fee rito.

Ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Officer Charlie Fabre, ipina-hold niya ang fee collection dahil pag-uusapan pa ang hinggil dito ng mga Capitol official at stakeholder sa tourism industry.

Maaari umanong tumagal ng hanggang dalawang buwan ang pansamantalang pagsuspinde depende sa magiging resolusyon sa isyu ng fee collection.

Kaugnay nito, may nauna nang naikabit na malaking tarpaulin sa man-made forest kung saan nakasaad na epektibo Oktubre 1, 2019 ay may bago nang rates sa entrance fee at paggamit ng mga pasilidad at resources sa nasabing protected areas.

Ang entrance fee para sa mga Pilipino ay P30, P100 naman sa mga dayuhan at P15 sa mga estudyante.

Libre naman ang mga persons with disabilities, senior citizen at bata na 7-anyos pababa basta’t magpresinta lang ng ID.

Mayroong 16 protected areas sa Bohol kabilang na ang man-made forest, Chocolate Hills Natural Monument at Panglao Island Protected Seascape. (Issa Santiago)