May bagong talaga nang kalihim si Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) kapalit ng hindi nakumpirmang dating kalihim na si Regina Lopez.
Ang itinalagang kalihim ng DENR ng Pangulo ay si dating Army General Roy Cimatu.
Hindi na bago sa public service si Cimatu dahil marami na itong pinanggalingang tanggapan ng gobyerno.
Pinakahuli ay ang pagiging envoy nito sa Middle East matapos maitalaga kamakailan lamang ni Pangulong Duterte nang magsagawa ng state visit sa ilang bansa sa Gitnang Silangan.
Wala namang matinding pagtutol na inani si Cimatu sa pagkakatalaga sa DENR kumbaga ay magaan itong tinanggap ng mga kritiko ng departamento.
Ibig kayang sabihin ng pananahimik ng mga kritiko ng DENR sa pag-upo ng bagong kalihim ay tanggap nila ito bilang pinuno?
Ang sa amin, sana naman ay matahimik na ang DENR ngayong mayroon na itong bagong pinuno dahil maraming trabaho ang tanggapan na naantala dahil sa naging pagpapalit ng liderato.
Umaasa rin kaming hindi magpapa-impluwensiya ang bagong talagang kalihim ng DENR sa mga ilang grupong nanggugulo sa departamento dahil nasasagasaan ang kanilang mga personal na interes.
Kaya sa bagong talagang kalihim ng DENR nasa inyo ang aming suporta pero sana ay tuparin ninyo ang inyong pangakong paiiralin ang interes ng taumbayan sa bawat desisyong ilalabas lalo na sa usapin ng pagmimina.