Nalunod ng sigawan ang locker room ng Denver Nuggets pagkatapos talunin ang Boston Celtics Lunes ng gabi.

Bakit hindi, eh babalik na ng postseason ang Nuggets pagkatapos ng anim na taong pagliban.

Tumabo si Nikola Jonkic ng 21 points at 13 rebounds, pinangunahan ang rally ng Nuggets sa fourth quarter para agawin ang 114-105 panalo.

Humugot pa ng 20 points mula kay Will Barton ang Denver (47-22), inakbayan ang Golden State sa tuktok ng Western Conference.

Naka-46 na panalo ang Denver noong nakaraang season pero napagsarhan sa playoffs nang masilat sa Minnesota sa final day ng regular season.

“Yessss sir!” sigaw ni Jamal Murray. “We’re just going to take this. We’re going to take a moment to realize how far we’ve come.”

Pinamunuan ng 30 points ni Kyrie Irving ang Boston, tumapos si Al Horford ng 20 points, 6 rebounds at 6 assists.

Fifth sa East ang Celtics (43-28), 1 ½ games sa likod ng fourth-place Indiana (44-27) at 2 ½ games sa likod ng No. 3 Philadelphia (45-25) na dadayuhin nila sa Miyerkoles.

Umabante ang Nuggets 106-94 may 3:47 pa sa laro pero umiskor ng pitong sunod ang Celtics para dumikit sa lima.

Sablay ang 3-pointer ni Horford, kinumpleto ni Paul Millsap ang four-point play sa kabila para ilayo ang Denver 112-101, 31.3 seconds na lang. (VE)